SA PANITIK MAG-UUGAt

"Isang natatanging sining ang pagsulat. Sa pamamagitan ng mabisa, pili at angkop na salita't pananalita, maipahahayag ang iba't ibang kaisipan, ideya, at damdamin. Mailalarawan ang kagandahan ng katalagahan, ng kalikasan, at ng buhay. Mabibigyan ng kulay ag mga payak na bagay at madadamitan ang buay ng iba't ibang kaganapan at karanasan."

Sunday, November 20, 2011

Naglalahong Kayamanan

"Walang matigas na tinapay sa mainit na kape."

Animo may matalas na patalim ang unti-unting bumabaon sa aking puso sa tuwing dadaloy sa aking gunita ang linyang ito mula sa sa isang lumang pelikula. Walang anu-ano'y kaagad na maglalaro sa aking diwa ang kasalukuyang kalagayan ng ating kapaligiran dahil sa mga linsil na gawi ng tao. Kapaligirang patuloy na nasisira kasabay ng tila lubusang pagkawala ng disiplina ng bawat isa.

Hindi lingid sa ating kaalaman na maraming likas na yamang taglay ang ating bansa. Ito'y handog ng kapaligirang ipinagkaloob sa atin ng Maykapal at nararapat nating payabungin at pangalagaan. Ang wastong paggamit ng mga pinagkukunang yaman o ang pagsunod sa gawaing konserbasyon ang magsisilbing susi upang maingatan at masinop natin ang limitadongyamang ito.

Kaugnay ng mga suliraning kinakaharap ng bawat bansa sa kasalukuyan kung kaya't bahagi ng Mithiing Pangkaunlaran ng Milenyo ang layunin upang tiyakin ang kapanatilihang pangkapaligiran. Ito ang nagsisilbing liwanag sa Paaralang Nasyunal ng San Vicente upang lubos na maging bukas ang kamalayan ng bawat isa sa mga kaganapang pangkalikasan.

Dahil mahalaga ang ating kapaligiran, nararapat lamang na ingatan ang mga ito. Iminulat kami ng butihin naming mga guro sa kaalamang ang bawat biyayang tinatamasa natin ay may kaakibat na responsibilidad. Ito ang dahilan kung bakit sinisikap ng aming paaralan na patuloy na isakatuparan ang taunang tree palanting at pagpupulong ukol sa wastong paggamit ng pinagkukunang yaman.

Sa pagdaan ng mga panahon, patuloy naming pinag-aaralan ang wastong paggamit at pangangalaga sa ating kapaligiran. Marami pang iba ang naiisip at binubuo upang mapakinabangan ng pangmatagalan ang mga pinagkukunang yaman tungo sa patuloy na pag-unlad ng ekonomiya at sa kinabukasan ng tao.

Sa katunayan, sinisikap naming isulong ang hindi paggamit ng kemikal sa mga lupang taniman sapagkat sinisira nito ang kalidad ng mga yamang lupa. Maaari din itong maging sanhi ng polusyon sa hangin.

Mas makabubuti rin kung ihihinto na ang ilegal na pangangaso, pagputol ng mga puno at pangingisda. Nanganganib na maubos ang mga hayop kung magpapatuloy ang ilegal na panghuhuli sa mga ito sa mga kagubatan.

Bukod sa posibleng pagbaha at landslides, magreresulta rin sa pagkaubos ng mga hayop ang pagpuputol ng mga puno sapagkat nagsisilbi nila itong tirahan. Kung walang matitira sa mga yamang ito, mawawalan din sila ng tahanan at lilipat sa mga lugar na marami pang mga puno.

Kumikitil din sa maliliit na isda ang paggamit ng dinamita. Kung parehong mamatay ang malalaki at maliliit na isda, nanganganib na maubos ang suplay nito dahil wala nang pagmumulan ng mga yaman tubig.

Dagdag pa dito, iminumulat ng aming paaralan ang bawat mag-aaral sa pagrerecyle. May mga bagay na pagkatapos gamitinay maaari ulit pakinabangan tulad ng papel. Kung gagawin ito, mababawasan ang pagputol ng mga puno. Maaari ding i-recycle ang mga plastik na lalagyan dahil nakapagdudulot ng polusyon sa hangin ang pagsunog sa mga ito.

Tunay na nakapahalaga ng pagpapanatili ng katiyakang pangkapaligiran sapagkat dito nakasalalay ang buhay at kinabukasan ng tao. Nakadepende ang bawat nilalang sa isa't isa. Gayundin naman, nakadepende ang mga nilalang na ito sa kanilang kapaligiran. Upang patuloy tayong mabuhay sa mundo, kinakailangan ding manatiling buhay ang mga nasa kapaligiran natin.

"Walang matigas na tinapay sa mainit na kape." Sumasalamin ang linyang ito sa kawalan ng disiplinang ipinamamalas ng mga tao sa pagtangkilik sa ating kapaligiran. Sa kabila nito, hindi pa huli ang lahat. Huwag nating hayaang singilin tayo ni Inang Kalikasan dahil sa pang-aabuso natin sa kanya. Isulong natin ang diwang magsisilbing susi sa kapanatilihang pangkapaligiran upang muling mabuhay ang naglalahong kayamanan ng ating bayan.

No comments:

Post a Comment