"Kailangan ng mga sawimpalad ang pagkalinga ng mga higit na mapalad."
Sa pagmulat ng aking mga mata, walang anu-ano'y sa kaunting oras na paggalaw ng aking mga pangisap, unti-unti akong hinila patungo sa nagdudumilat na katotohanan. Katotohanang gumising at nagbigkis sa sariling damdamin at paniniwala na darating ang panahong lahat ng naririto sa mundong ibabaw ay makikipag-agawan sa tumutulong pawis ng iba, mapawi lamang ang nadaramang uhaw.
TULONG.Umaasam ng pagbabago ang bawat Pilipino dulot kinasasadlakang kahirapan. |
Sa kasalukuyan, tila kayhirap hamunin ng daluyong ng mga pangyayari. Ang dating perlas ng silangan, ngayo'y larawan na ng kabalintunaan.Tunay na larawan ng kasalatan. Kaya naman hindi ko masisisi ang mga kababayan nating nag-aalsa balutan kahit ibuwis ang buhay upang kumita. Tanging hirap ng katawan, pagod ng isipan, at kahihiyan ang nagsisilbi nilang puhunan makaahon lamang sa kadluan ng kahirapan.
SUSI NG KAGINHAWAAN.Salapi ang nagsisilbing batayan ng tinatamasang kaunlaran ng bawat indibidwal kung kaya't kailangang magbanat ng buto upang makamtan ang kaginhawaang inaaasam. |
Sa isang banda, nakakaawa ang mga kapatid nating mga Pilipino. Napipilitan silang mangibang bansa upang magpaalipin sa mga di-kilalang banyaga ngunit sa kabila nito'y hindi parin nila malusutan ang mga balakid na pilit na humaharang. Bumababa ang palitan ng dolyar sa piso, ngunit sa sitwasyon ngayon ng Pilipinas, bumababa ang dolyar, tumataas ang presyo ng mga bilihin at walang nakukuhang benepisyo ang mga mamamayan.
Hindi rin maikakaila ang kakulangan sa pagpapatupad ng batas, laganap na korapsyon, mga gawaing hindi kanais-nais sa mata ng pamahalaan at lipunan, kabilang na dito ang hindi sapat na pagtugon sa mga programa ukol sa edukasyon. kalusugan, pangkabuhayan o trabaho
na nagdudulot ng kahirapan at pagkalam ng sikmura ng karamihan.Nang dahil sa paglaganap na ito ng karukhaan kung kaya't opisyan na itinatatag ang Mithiing Pangkaunlaran ng Milenyo noong Setyembre 2000, kung saan pinagtibay ng 189 na pinunong pandaigdig ang "Deklarasyong Milenyo ng mga Nagkakaisang Bansa" mula sa planong aksyon ng waluhang mithiin.
PAGSUBOK.Dulot ng matinding kahirapan kung kaya't maraming mga Pilipino ang napilpilitang magsilbi sa mga di kilalang dayuhan. |
Ito ay sinang-ayunan ng ng mga kasdapi ng mga Nagkakaisang Bansa (UN) upang subukang makamit hanggang sa taong 2015. Pinangungunahan ng mga layuning ito ang pagsugpo sa pinakamatinding suliranin ng mga bansa--ang matinding kahirapan at kagutuman.
Sa puntong ito, nais patunayan ng mga kapwa ko mag-aaral sa loob ng Paaralang Nasyunal ng San Vicente na ang mga dugong Pinoy ay matatag at hindi marupok. Sama-sama naming gigisingin ang diwa ng mga kababayan nating walang itinitirang dignidad sa sarili at pikit-matang tinatanggap ang mga panlalait at pang-aalipusta ng iba makaahon lamang sa kahirapan. Bubuo kami ng ng matibay na programa kung saan susugpuin nito ang iba't ibang uri ng krimen dulot ng kumukulong sikmura.
Sa isang dako, nariyan din ang mga bukas-palad at minamahal naming mga guro na sa katunayan ay nasa baitang na ng aming mga mithiin. Sila ang bumubuo ng mga proyektong kasalukuyan naming pinagyayaman tulad ng feeding program, peer tutoring, pamimigay ng mga school supplies at iba pang mga gamit sa mga kapus-palad at marami pang iba.
PISI NG LAYUNIN.Nagsilbing hamon para sa Paaralang Nasyunal ng San Vicente ang pakikiisa sa pagsugpo sa matinding kahirapan at kagutuman. |
Kung lilimiin, sa maliit nagsisimula ang katuparan sa malalaking mithiin. Kaya naman sisikapin naming lumikha ng matibay na moog tungo sa matagumpay na pagsugpo sa matinding kahirapan at kagutuman. Tulad ng isang kompyuter na kailangang bagtasin ang peligrosong daan, magsisilbing sandata kami upang makamtan na natin ang totoong kaunlaran na nais matamasa ng bawat Pilipino.
Dagdag pa dito, kailangan nating isaisip at isapuso ang ngalan ng Diyos dahil hindi niya tayo pababayaan. Huwag nating hayaang ikulong tayo ng kahirapan bagkus ay sikapin nating sa atin mismo magsimula ang inaasam nating pagbabago. Hindi mo man kasalanan kung isinilang kang dukha ngunit ang mamamatay ng mahirap, tingin mo... kasalanan mo na kaya?
No comments:
Post a Comment