SA PANITIK MAG-UUGAt

"Isang natatanging sining ang pagsulat. Sa pamamagitan ng mabisa, pili at angkop na salita't pananalita, maipahahayag ang iba't ibang kaisipan, ideya, at damdamin. Mailalarawan ang kagandahan ng katalagahan, ng kalikasan, at ng buhay. Mabibigyan ng kulay ag mga payak na bagay at madadamitan ang buay ng iba't ibang kaganapan at karanasan."

Sunday, November 20, 2011

Naglalahong Kayamanan

"Walang matigas na tinapay sa mainit na kape."

Animo may matalas na patalim ang unti-unting bumabaon sa aking puso sa tuwing dadaloy sa aking gunita ang linyang ito mula sa sa isang lumang pelikula. Walang anu-ano'y kaagad na maglalaro sa aking diwa ang kasalukuyang kalagayan ng ating kapaligiran dahil sa mga linsil na gawi ng tao. Kapaligirang patuloy na nasisira kasabay ng tila lubusang pagkawala ng disiplina ng bawat isa.

Hindi lingid sa ating kaalaman na maraming likas na yamang taglay ang ating bansa. Ito'y handog ng kapaligirang ipinagkaloob sa atin ng Maykapal at nararapat nating payabungin at pangalagaan. Ang wastong paggamit ng mga pinagkukunang yaman o ang pagsunod sa gawaing konserbasyon ang magsisilbing susi upang maingatan at masinop natin ang limitadongyamang ito.

Kaugnay ng mga suliraning kinakaharap ng bawat bansa sa kasalukuyan kung kaya't bahagi ng Mithiing Pangkaunlaran ng Milenyo ang layunin upang tiyakin ang kapanatilihang pangkapaligiran. Ito ang nagsisilbing liwanag sa Paaralang Nasyunal ng San Vicente upang lubos na maging bukas ang kamalayan ng bawat isa sa mga kaganapang pangkalikasan.

Dahil mahalaga ang ating kapaligiran, nararapat lamang na ingatan ang mga ito. Iminulat kami ng butihin naming mga guro sa kaalamang ang bawat biyayang tinatamasa natin ay may kaakibat na responsibilidad. Ito ang dahilan kung bakit sinisikap ng aming paaralan na patuloy na isakatuparan ang taunang tree palanting at pagpupulong ukol sa wastong paggamit ng pinagkukunang yaman.

Sa pagdaan ng mga panahon, patuloy naming pinag-aaralan ang wastong paggamit at pangangalaga sa ating kapaligiran. Marami pang iba ang naiisip at binubuo upang mapakinabangan ng pangmatagalan ang mga pinagkukunang yaman tungo sa patuloy na pag-unlad ng ekonomiya at sa kinabukasan ng tao.

Sa katunayan, sinisikap naming isulong ang hindi paggamit ng kemikal sa mga lupang taniman sapagkat sinisira nito ang kalidad ng mga yamang lupa. Maaari din itong maging sanhi ng polusyon sa hangin.

Mas makabubuti rin kung ihihinto na ang ilegal na pangangaso, pagputol ng mga puno at pangingisda. Nanganganib na maubos ang mga hayop kung magpapatuloy ang ilegal na panghuhuli sa mga ito sa mga kagubatan.

Bukod sa posibleng pagbaha at landslides, magreresulta rin sa pagkaubos ng mga hayop ang pagpuputol ng mga puno sapagkat nagsisilbi nila itong tirahan. Kung walang matitira sa mga yamang ito, mawawalan din sila ng tahanan at lilipat sa mga lugar na marami pang mga puno.

Kumikitil din sa maliliit na isda ang paggamit ng dinamita. Kung parehong mamatay ang malalaki at maliliit na isda, nanganganib na maubos ang suplay nito dahil wala nang pagmumulan ng mga yaman tubig.

Dagdag pa dito, iminumulat ng aming paaralan ang bawat mag-aaral sa pagrerecyle. May mga bagay na pagkatapos gamitinay maaari ulit pakinabangan tulad ng papel. Kung gagawin ito, mababawasan ang pagputol ng mga puno. Maaari ding i-recycle ang mga plastik na lalagyan dahil nakapagdudulot ng polusyon sa hangin ang pagsunog sa mga ito.

Tunay na nakapahalaga ng pagpapanatili ng katiyakang pangkapaligiran sapagkat dito nakasalalay ang buhay at kinabukasan ng tao. Nakadepende ang bawat nilalang sa isa't isa. Gayundin naman, nakadepende ang mga nilalang na ito sa kanilang kapaligiran. Upang patuloy tayong mabuhay sa mundo, kinakailangan ding manatiling buhay ang mga nasa kapaligiran natin.

"Walang matigas na tinapay sa mainit na kape." Sumasalamin ang linyang ito sa kawalan ng disiplinang ipinamamalas ng mga tao sa pagtangkilik sa ating kapaligiran. Sa kabila nito, hindi pa huli ang lahat. Huwag nating hayaang singilin tayo ni Inang Kalikasan dahil sa pang-aabuso natin sa kanya. Isulong natin ang diwang magsisilbing susi sa kapanatilihang pangkapaligiran upang muling mabuhay ang naglalahong kayamanan ng ating bayan.

Ano ang Iyong Sala?

"Kailangan ng mga sawimpalad ang pagkalinga ng mga higit na mapalad."

Sa pagmulat ng aking mga mata, walang anu-ano'y sa kaunting oras na paggalaw ng aking mga pangisap, unti-unti akong hinila patungo sa nagdudumilat na katotohanan. Katotohanang gumising at nagbigkis sa sariling damdamin at paniniwala na darating ang panahong lahat ng naririto sa mundong ibabaw ay makikipag-agawan sa tumutulong pawis ng iba, mapawi lamang ang nadaramang uhaw.
TULONG.Umaasam ng pagbabago ang bawat Pilipino dulot
kinasasadlakang kahirapan.
Sa kasalukuyan, tila kayhirap hamunin ng daluyong ng mga pangyayari. Ang dating perlas ng silangan, ngayo'y larawan na ng kabalintunaan.Tunay na larawan ng kasalatan. Kaya naman hindi ko masisisi ang mga kababayan nating nag-aalsa balutan kahit ibuwis ang buhay upang kumita. Tanging hirap ng katawan, pagod ng isipan, at kahihiyan ang nagsisilbi nilang puhunan makaahon lamang sa kadluan ng kahirapan.

SUSI NG KAGINHAWAAN.Salapi ang nagsisilbing batayan
ng tinatamasang kaunlaran ng bawat indibidwal kung kaya't
kailangang magbanat ng buto upang makamtan ang
kaginhawaang inaaasam.

Sa isang banda, nakakaawa ang mga kapatid nating mga Pilipino. Napipilitan silang mangibang bansa upang magpaalipin sa mga di-kilalang banyaga ngunit sa kabila nito'y hindi parin nila malusutan ang mga balakid na pilit na humaharang. Bumababa ang palitan ng dolyar sa piso, ngunit sa sitwasyon ngayon ng Pilipinas, bumababa ang dolyar, tumataas ang presyo ng mga bilihin at walang nakukuhang benepisyo ang mga mamamayan.

Hindi rin maikakaila ang kakulangan sa pagpapatupad ng batas, laganap na korapsyon, mga gawaing hindi kanais-nais sa mata ng pamahalaan at lipunan, kabilang na dito ang hindi sapat na pagtugon sa mga programa ukol sa edukasyon. kalusugan, pangkabuhayan o trabaho
na nagdudulot ng kahirapan at pagkalam ng sikmura ng karamihan.Nang dahil sa paglaganap na ito ng karukhaan kung kaya't opisyan na itinatatag ang Mithiing Pangkaunlaran ng Milenyo noong Setyembre 2000, kung saan pinagtibay ng 189 na pinunong pandaigdig ang "Deklarasyong Milenyo ng mga Nagkakaisang Bansa" mula sa planong aksyon ng waluhang mithiin.

PAGSUBOK.Dulot ng matinding kahirapan kung kaya't
maraming mga Pilipino ang napilpilitang magsilbi sa mga
di kilalang dayuhan.
Ito ay sinang-ayunan ng ng mga kasdapi ng mga Nagkakaisang Bansa (UN) upang subukang makamit hanggang sa taong 2015. Pinangungunahan ng mga layuning ito ang pagsugpo sa pinakamatinding suliranin ng mga bansa--ang matinding kahirapan at kagutuman.

Sa puntong ito, nais patunayan ng mga kapwa ko mag-aaral sa loob ng Paaralang Nasyunal ng San Vicente na ang mga dugong Pinoy ay matatag at hindi marupok. Sama-sama naming gigisingin ang diwa ng mga kababayan nating walang itinitirang dignidad sa sarili at pikit-matang tinatanggap ang mga panlalait at pang-aalipusta ng iba makaahon lamang sa kahirapan. Bubuo kami ng ng matibay na programa kung saan susugpuin nito ang iba't ibang uri ng krimen dulot ng kumukulong sikmura.

Sa isang dako, nariyan din ang mga bukas-palad at minamahal naming mga guro na sa katunayan ay nasa baitang na ng aming mga mithiin. Sila ang bumubuo ng mga proyektong kasalukuyan naming pinagyayaman tulad ng feeding program, peer tutoring, pamimigay ng mga school supplies at iba pang mga gamit sa mga kapus-palad at marami pang iba.
PISI NG LAYUNIN.Nagsilbing hamon para sa Paaralang Nasyunal ng
San Vicente ang pakikiisa sa pagsugpo sa matinding kahirapan at
kagutuman.
Kung lilimiin, sa maliit nagsisimula ang katuparan sa malalaking mithiin. Kaya naman sisikapin naming lumikha ng matibay na moog tungo sa matagumpay na pagsugpo sa matinding kahirapan at kagutuman. Tulad ng isang kompyuter na kailangang bagtasin ang peligrosong daan, magsisilbing sandata kami upang makamtan na natin ang totoong kaunlaran na nais matamasa ng bawat Pilipino.

Dagdag pa dito, kailangan nating isaisip at isapuso ang ngalan ng Diyos dahil hindi niya tayo pababayaan. Huwag nating hayaang ikulong tayo ng kahirapan bagkus ay sikapin nating sa atin mismo magsimula ang inaasam nating pagbabago. Hindi mo man kasalanan kung isinilang kang dukha ngunit ang mamamatay ng mahirap, tingin mo... kasalanan mo na kaya?


Wednesday, November 16, 2011

Kahirapan sa Bayan ni Juan

Ang kahirapan ang isa sa mga mabibigat ng problema ng ating bansa. Madalas nating sisihin ang maling pamamalakad ng mga pinuno ng bansa, pero sila nga ba ang may kasalanan o tayong mga Pilipino na tamad? Sabi nga nila, “Katamaran ay katumbas ng Kahirapan”, tama sila, at tama rin naman ang mga taong nagsasabing nasa gobyerno ang pagkakamali.


MUKHA  NG KAHIRAPAN.Biktima rin ng kahirapan maging
ang mga musmos na hindi pa batid ang tunay na kalakaran
ng buhay.
 Sinasabi ng karamihan, kaya sila naghihirap ay sa kadahilanang wala silang trabaho, pero ang totoo, maraming trabahong nakalaan, mapili lang talaga ang mga Pilipino. Pero hindi rin natin sila masisisi, mas pipiliin pa nilang maupo na lang sa isang tabi at manghingi ng limos kaysa magpakapagod sa napakabigat na trabaho at kumita ng isang daang piso sa isang araw, pero sa kadahilanang ito, pinapakita lang natin na tayo ay tamad, pinakadahilan ng kahirapan.
Pangalawa sa mga dahilan ay ang maling gawain ng mga pinuno ng ating bansa, ang pagbubulsa sa kaban ng bayan.
ISANG KAHIG, ISANG TUKA.Sa kabila ng pagkakalugmok
sa kahirapan, patuloy pa ring umaasam ng kaginhawaan ang
mga kabataang itinuturing na pag-asa ng ating bayan.
 Ang mga pondo na para sa pagpapaunlad ng buhay ng mga mahihirap ay ginagamit ng mga pulitiko para sa sarili nilang interes. Sapat ang sweldo ng mga pinuno ng ating bansa, ang totoo ay sobra-sobra pa ito para bumuhay ng isang pamilya, pero patuloy pa rin sila sa maling gawain nila.

Kamakailan lang ay sinabi na umaangat na ang ekonomiya ng ating bansa, pero wala kahit isa ang nakaramdam nito. Kailangan pa ring pumila ng matagal para lang makabili ng NFA Rice, mataas pa rin singil sa gasolina, sa kuryente at halos sa lahat ng bilihin, hindi kasya ang sweldo ng isang empleyado lamang. Dahil sa maling gawain ng mga pulitiko, mga simpleng mamamayan ang naaapektuhan, dahil mas pinipili nilang ibulsa ang malaking pondong pangkahirapan kaysa idagdag sa sweldo ng mga empleyado, isang malaking kamalian sa parte ng mga pinuno. Pangatlo sa mga kadahilanan ay ang pagiging iresponsable ng mga Pilipino, o ang kawalan ng paninindigan.


Kung magiging responsible lamang ang mga magulang ng mga batang kalye ay malamang walang pakalat-kalat na bata ngayon sa lansangan, walang uhuging bata na nanghihingi na limos, at walang kaawa-awang mga mukha ng mga gutom na bata ang makikita natin. Kung pinagaaral lamang sila ng kanilang magulang, malamang ay magkakaroon sila ng magandang kinabukasan.

SIMOY NG PAG-ASA.Batid ng bawat isa na nasa sariling kamay natin
ang inaasam na pagbabago.

Bumabalik na naman dito ang kadahilanang wala silang trabaho, pero may mga programa ang ating pamahalaan, maging ang local, para sa libreng pagaaral, pero mukhang hindi nauubusan ng dahilan ang Pilipino kung bakit hindi sila nakaka-pagaral, at ibabalik nanaman ang sisi sa gobyerno. Ang katotohanan ay, tayo mismo ang dahilan ng ating paghihirap, tayong mga mamamayan ng bansa natin. Kung sisimulan natin ang pagbabago sa sarili natin, malamang ay mababagao rin natin ang antas ng ating pamumuhay, pinuno ka man o simpleng mamamayan ay dapat magbago para sa ikauunlad nating lahat.